Virgilio Almario

Pusang Itim

ni: Rio Alma

Sino ka ba, Pusang Itim?

                Ano’ng pakay? Saan galing?

                Lalang ka ba sa paningin

                O babala ng darating

                At meridang sakdal-lagim?

 

Ikaw nga ba ay alaga ng ‘sang banal na diwata

Upang kami’y maimulat kapag sumpa’y sinisira?

O supling ka ng alamat at ubaning paniwala

Kapag walang maisagot sa kaharap na hiwaga?

Patayin mang makawalo’y siyam pa raw ang hininga,

Itaboy ka’t parang multong bumabalik sa tuwina;

Kambal-waring bolang apoy ang ningas ng iyong mata

Na pagdaka’y nagbubunga ng sang-angaw na pangamba.

 

                Ilang tuwa ang pinaram,

                Ilang tapang ang ginutay?

                Kahit hari’t dugong mahal

                O bayani ng digmaan,

                Sa titig mo’y nalulusaw.

 

                Kapag gabing hininga na’y

                Giyagis pa ng balisa,

                Sa bintana’y bubuglaw ka,

                At ang lihim ko sa iba’y

                Di nalingid sa ‘yong mata.

 

Paglitaw mong luksang-luksa sa landas na tutugpain

Nagbabalik sa gunita ang lagpas na mga ngipin,

Pinggang basag, labintatlo’y paruparong bagwis-dilim,

At dibdib ko’y nagkakarga ng kandila at patalim.

Budhi ka ba o aninong katugma ng aking buhay,

Dili kaya’y mensahero ng taning sa kapalaran?

Ngunit kapag ang misyon mo’y baogin ang aking tadyang,

Pusang Itim, lumayo ka’t sa mithi ko’y isang hadlang.

 

                Kapag ako’y nagsusulat

                H’wag lulundag sa ‘king hapag;

                Ang malisik na paghudyat

                H’wag itakot sa ulirat

                Na may layong magsiwalat. 

Advertisements